Login Guest Philippine Flag MUNICIPALITY OF IBAAN September 08, 2026 Tuesday 08:37 PM
"We're working hard to improve your experience! The website is currently being updated. Thanks for your patience."

📜 Historical Events Archive

Browse through all published events sorted by date.

279 Total Entries
𝙆𝙖𝙗𝙖𝙩𝙖𝙖𝙣𝙜 𝙄𝙗𝙖𝙚ñ𝙤, 𝙆𝙖𝙩𝙪𝙬𝙖𝙣𝙜 𝙨𝙖 𝙋𝙖𝙣𝙜𝙖𝙣𝙜𝙖𝙡𝙖𝙜𝙖 𝙣𝙜 𝙆𝙖𝙡𝙞𝙠𝙖𝙨𝙖𝙣 𝙨𝙖 𝙄𝙨𝙞𝙣𝙖𝙜𝙖𝙬𝙖𝙣𝙜 𝘾𝙖𝙡𝙪𝙢𝙥𝙖𝙣𝙜 𝙍𝙞𝙫𝙚𝙧 𝙒𝙖𝙩𝙚𝙧𝙨𝙝𝙚𝙙 𝙎𝙚𝙢𝙞𝙣𝙖𝙧

Katuwang ang kabataan sa pangangalaga ng kalikasan sa isinagawang Calumpang River Watershed Management Seminar ng Ibaan Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) upang palakasin ang kamalayan at pakikiisa ng mga youth organization sa pangangalaga ng yamang tubig, Hulyo 22. Layunin ng seminar na maibahagi ang mahahalagang kaalaman hinggil sa environmental stewardship, konserbasyon, at napapanatiling pamamahala ng Calumpang River Watershed . Inaasahang magsisilbi itong hakbang tungo sa mas aktibong partisipasyon ng pamayanan sa pagprotekta sa likas na yaman. Katuwang sa nasabing gawain ang Conservation International para sa isang mas malinis, ligtas, at luntiang kinabukasan.

𝙇𝙤𝙩𝙚 𝙋𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙎𝙖𝙡𝙖𝙗𝙖𝙣 𝙄𝙄 𝘾𝙤𝙫𝙚𝙧𝙚𝙙 𝘾𝙤𝙪𝙧𝙩, 𝙋𝙤𝙧𝙢𝙖𝙡 𝙉𝙖𝙣𝙜 𝘽𝙞𝙣𝙖𝙨𝙗𝙖𝙨𝙖𝙣

Isang makabuluhang hakbang tungo sa pagkakaroon ng mas maayos na pasilidad para sa komunidad ang isinagawa sa Salaban II, Ibaan, Batangas matapos ang ground blessing ng lupang ipinagkaloob ng Pamilya Salvame para sa pagtatayuan ng Salaban II Covered Court, Hulyo 18 . Dinaluhan ang seremonya ni Palawan 1st District Cong. Rosalie Salvame kasama ang kanyang pamilya, katuwang sina Mayor Jane Casas, Vice Mayor Joy Salvame, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan bilang pagkilala sa malaking ambag ng pamilya para sa kapakinabangan ng mga residente ng Barangay Salaban II. Isinagawa ang ground blessing kasabay ng paggunita sa kaarawan ng yumaong Cong. Egay Salvame, na nagsilbing makabuluhang pag-alala sa kanyang adhikain ng paglilingkod at malasakit sa kapwa. #IbaanUpdates See less

𝙈𝙖𝙡𝙪𝙨𝙤𝙜 𝙣𝙖 𝘽𝙖𝙩𝙖 𝙖𝙩 𝙇𝙪𝙣𝙩𝙞𝙖𝙣𝙜 𝙆𝙖𝙥𝙖𝙡𝙞𝙜𝙞𝙧𝙖𝙣, 𝙏𝙚𝙢𝙖 𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙜𝙙𝙞𝙧𝙞𝙬𝙖𝙣𝙜 𝙣𝙜 𝙉𝙪𝙩𝙧𝙞𝙩𝙞𝙤𝙣 𝙈𝙤𝙣𝙩𝙝 𝙨𝙖 𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣

Isang makulay at makabuluhang pagdiriwang ng kalusugan at pangangalaga sa kalikasan ang isinagawa ng mga Child Development Centers sa bayan ng Ibaan sa pakikipagtulungan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) bilang bahagi ng Nutrition Month Celebration na may temang “Nutrition at Kalikasan, Ating Pangalagaan!," Hulyo 22. Tampok sa selebrasyon ang masayang pagtatanghal at parada ng mga batang mag-aaral mula sa mga Child Development Centers, kung saan ipinakita nila ang kanilang mga ka-cute-an at pagkamalikhain. Layunin ng aktibidad na palakasin ang kamalayan ng mga bata at pamayanan sa kahalagahan ng wastong nutrisyon, pangangalaga sa kapaligiran, at pagkakaroon ng malusog na pamumuhay. #IbaanUpdates See less

𝙆𝙖𝙗𝙪𝙩𝙞𝙝𝙖𝙣𝙜 𝙇𝙤𝙤𝙗 𝙣𝙖 𝙉𝙖𝙜-𝙞𝙞𝙬𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙢𝙖𝙣𝙖, 𝘽𝙞𝙣𝙞𝙜𝙮𝙖𝙣𝙜 𝙋𝙪𝙜𝙖𝙮 𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙢𝙖𝙝𝙖𝙡𝙖𝙖𝙣𝙜 𝘽𝙖𝙮𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣

Kasabay ng lingguhang Pagpupugay sa Bandila, Bayan, at Mamamayan: Flag Ceremony ng Pamahalaang Lokal ng Ibaan, isinagawa ang isang makabuluhang pagkilala sa Pamilya Salvame bilang pagpapahalaga sa kanilang kabutihang-loob at malaking ambag para sa kapakanan ng komunidad, Hulyo 20. Taos-pusong pinasalamatan ng Pamahalaang Bayan ang Pamilya Salvame sa kanilang pagkakaloob ng lote na pinagtatayuan ng Ibaan Municipal Market Mall, Malainin Barangay Hall at Child Development Center at ang pagtatayuan ng Salaban II Covered Court sa Barangay Salaban II, Ibaan, Batangas. Dumalo upang tanggapin ang pagkilala si Gng. Rosalie Ang Salvame, Palawan’s 1st District Representative , kasama ang kanyang mga anak. Pinangunahan ni Mayor Jane Casas ang paggawad ng pasasalamat kasama sina Vice Mayor Joy Salvame at mga miyembro ng Sangguniang Bayan . Kaugnay nito, isinagawa noong Hulyo 18 ang ground blessing ng nasabing lote sa Salaban II, kasabay ng paggunita sa kaarawan ng yumaong padre de pamilya na si Cong. Egay Salvame. Nagsisilbing inspirasyon ng tunay na malasakit at pakikiisa ang mga nasabing gawain tungo sa pag-unlad ng Bayan ng Ibaan.

𝙇𝙏𝙊 𝘾𝙖𝙧𝙖𝙫𝙖𝙣 𝙨𝙖 𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣, 𝙉𝙖𝙜𝙝𝙖𝙩𝙞𝙙 𝙣𝙜 𝙈𝙖𝙨 𝙈𝙖𝙙𝙖𝙡𝙞𝙣𝙜 𝙎𝙚𝙧𝙗𝙞𝙨𝙮𝙤 𝙨𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝙈𝙤𝙩𝙤𝙧𝙞𝙨𝙩𝙖

Mas mabilis at mas abot-kamay na serbisyo ang hatid ng Land Transportation Office (LTO) Caravan sa Ibaan , kung saan maraming residente ang nakinabang sa iba’t ibang transaksyon kaugnay ng lisensya at pagpaparehistro ng sasakyan. Sa kabuuan, nakapaglabas ang LTO ng 311 Theoretical Driving Course (TDC) certificates at 201 Student Permits para sa mga aplikanteng nais magsimula ng kanilang paglalakbay bilang responsableng motorista. Naisagawa rin ang 4 renewal ng driver’s license at 4 renewal ng motor vehicle registration. Layunin ng programa na mailapit ang mahahalagang serbisyo ng LTO sa komunidad, makatulong sa mga mamamayan, at maisulong ang ligtas at responsableng pagmamaneho.

𝙆𝙖𝙗𝙖𝙩𝙖𝙖𝙣𝙜 𝙄𝙗𝙖𝙚𝙣𝙤, 𝘽𝙞𝙣𝙞𝙜𝙮𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙀𝙣𝙩𝙖𝙗𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙇𝙪𝙢𝙞𝙠𝙝𝙖 𝙨𝙖 𝘼𝙘𝙩𝙞𝙣𝙜 𝙖𝙩 𝙎𝙘𝙧𝙞𝙥𝙩𝙬𝙧𝙞𝙩𝙞𝙣𝙜 𝙒𝙤𝙧𝙠𝙨𝙝𝙤𝙥 𝙨𝙖 𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣

Patuloy na hinuhubog ang talento at kumpiyansa ng kabataang Ibaeno sa pamamagitan ng Acting and Scriptwriting Workshop na isinagawa sa Gabaldon Building, Ibaan Central School, Poblacion, Ibaan, Batangas. Ang programa ay inisyatiba ng Local Youth Development Office katuwang ang Ibaan Municipal Sangguniang Kabataan Federation at Teatro Kalasag, na naglalayong paunlarin ang kakayahan ng mga kabataan sa pag-arte, pagsulat ng iskrip, at malikhaing pagpapahayag. Sa pamamagitan ng pagsasanay at pagbabahagi ng kaalaman, nabibigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na mahasa ang kanilang talento at makalikha ng mga kuwentong may kabuluhan at inspirasyon. Patuloy ang pagkakaisa ng mga institusyon sa pagsusulong ng mga programang nagbibigay-lakas at oportunidad sa kabataan upang maging mas malikhain, kumpiyansa, at handa sa pagpapahayag ng kanilang mga kuwento.

𝙄𝙨𝙖𝙣𝙜 𝙏𝙖𝙤𝙣𝙜 𝙎𝙚𝙧𝙗𝙞𝙨𝙮𝙤𝙣𝙜 𝙈𝙖𝙮 𝙏𝙖𝙡𝙞𝙣𝙤 𝙖𝙩 𝙋𝙪𝙨𝙤, 𝙋𝙖𝙠𝙨𝙖 𝙣𝙜 𝙎𝙩𝙖𝙩𝙚 𝙤𝙛 𝙩𝙝𝙚 𝙋𝙧𝙤𝙫𝙞𝙣𝙘𝙞𝙖𝙡 𝘼𝙙𝙙𝙧𝙚𝙨𝙨 𝙣𝙞 𝙂𝙤𝙫𝙚𝙧𝙣𝙤𝙧 𝙑𝙞𝙡𝙢𝙖 𝙎𝙖𝙣𝙩𝙤𝙨 𝙍𝙚𝙘𝙩𝙤

Nakibahagi ang pamahalaang lokal ng Ibaan sa pangunguna ni Mayor Jane Casas ng Ibaan sa State of the Provincial Address ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto na may temang “Isang Taong Serbisyong May Talino at Puso” na ginanap sa Batangas Province Events Center, Batangas City . Tampok sa okasyon ang pagtalakay sa mga programa, tagumpay, at direksyon ng pamahalaang panlalawigan para sa patuloy na pag-unlad ng Matatag na Batangas at kapakanan ng mga Batangueño.

𝘽𝙖𝙜𝙤𝙣𝙜 𝙔𝙪𝙜𝙩𝙤 𝙣𝙜 𝘼𝙇𝙎 𝙂𝙧𝙖𝙙𝙪𝙖𝙩𝙚𝙨, 𝙄𝙥𝙞𝙣𝙖𝙜𝙙𝙞𝙬𝙖𝙣𝙜 𝙖𝙣𝙜 𝙏𝙖𝙜𝙪𝙢𝙥𝙖𝙮 𝙨𝙖 𝙋𝙖𝙜𝙩𝙖𝙩𝙖𝙥𝙤𝙨 𝙨𝙖 𝙋𝙧𝙤𝙜𝙧𝙖𝙢𝙖

Ipinagdiwang ang Alternative Learning System (ALS) Graduation Ceremony sa Ibaan Central School, na may temang “Pilipinong Nagsipagtapos: Handang Mamuno Nang May Kakayahan at Mabuting Pagkatao," Hulyo 17. Tampok sa makabuluhang pagtatapos ang pagkilala sa mga mag-aaral ng ALS na nagtagumpay sa kabila ng mga hamon at pinatunayan na ang edukasyon ay patuloy na daan tungo sa mas magandang kinabukasan. Ang nasabing seremonya ay dinaluhan nina Mayor Jane Casas at Vice Mayor Joy Salvame na nagbigay ng mensahe para sa mga nagsipagtapos. Patuloy na pinatutunayan ng ALS ang mahalagang papel nito sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon at pagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa bawat Pilipino.

𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣 𝙈𝙖𝙧𝙠𝙚𝙩 𝙑𝙚𝙣𝙙𝙤𝙧𝙨 𝙖𝙣𝙙 𝘾𝙤𝙢𝙢𝙪𝙣𝙞𝙩𝙮 𝙈𝙪𝙡𝙩𝙞-𝙋𝙪𝙧𝙥𝙤𝙨𝙚 𝘾𝙤𝙤𝙥𝙚𝙧𝙖𝙩𝙞𝙫𝙚, 𝙄𝙥𝙞𝙣𝙖𝙜𝙙𝙞𝙬𝙖𝙣𝙜 𝙖𝙣𝙜 𝙞𝙠𝙖-20𝙩𝙝 𝙁𝙤𝙪𝙣𝙙𝙞𝙣𝙜 𝘼𝙣𝙣𝙞𝙫𝙚𝙧𝙨𝙖𝙧𝙮

Ipinagdiwang ng Ibaan Market Vendors and Community Multi-Purpose Cooperative ang kanilang 20th Founding Anniversary Celebration sa Ibaan Public Market, Talaibon, Ibaan, Batangas bilang pagkilala sa dalawang dekadang pagkakaisa, sipag, at dedikasyon ng kooperatiba, Hulyo 17. Naging makabuluhang pagtitipon ang pagdiriwang na nagbigay-pugay sa mahalagang papel ng mga market vendors bilang katuwang sa pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya at pagbibigay ng serbisyo sa komunidad. Sa loob ng 20 taon, patuloy na ipinapakita ng kooperatiba ang kanilang malasakit at pagsusumikap upang makapaghatid ng de-kalidad na produkto at maayos na serbisyo sa kanilang mga miyembro.

𝟳𝟬𝟬 𝙋𝙒𝘿 𝘽𝙚𝙣𝙚𝙛𝙞𝙘𝙞𝙖𝙧𝙞𝙚𝙨, 𝘿𝙖𝙢𝙖 𝙖𝙣𝙜 𝙆𝙖𝙡𝙞𝙣𝙜𝙖 𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙢𝙖𝙝𝙖𝙡𝙖𝙖𝙣𝙜 𝙇𝙤𝙠𝙖𝙡 𝙨𝙖 𝙍𝙞𝙘𝙚 𝘿𝙞𝙨𝙩𝙧𝙞𝙗𝙪𝙩𝙞𝙤𝙣 𝘼𝙘𝙩𝙞𝙫𝙞𝙩𝙮 𝙨𝙖 𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣

Naghatid ng dagdag na suporta ang Pamahalaang Bayan ng Ibaan sa mga Persons with Disabilities (PWD) matapos matagumpay na maisagawa ang Rice Distribution Program para sa humigit-kumulang 700 PWD beneficiaries sa Recto Gym, Poblacion, Ibaan, Batangas, Hulyo 17. Ito ay upang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga PWD at maipakita ang patuloy na malasakit at pagkalinga ng lokal na pamahalaan para sa sektor na nangangailangan ng suporta. Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsusulong ng inclusive na serbisyo at programang nagbibigay tugon sa kapakanan ng bawat mamamayan ng Ibaan.

𝙋𝙖𝙜𝙠𝙪𝙠𝙪𝙢𝙥𝙪𝙣𝙞 𝙣𝙜 𝙆𝙖𝙡𝙨𝙖𝙙𝙖 𝙨𝙖 𝘽𝙖𝙮𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣, 𝙄𝙨𝙞𝙣𝙖𝙜𝙖𝙬𝙖 𝙣𝙜 𝘿𝙋𝙒𝙃 𝙥𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙈𝙖𝙨 𝙇𝙞𝙜𝙩𝙖𝙨 𝙣𝙖 𝙇𝙖𝙣𝙨𝙖𝙣𝙜𝙖𝙣

Upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga motorista, isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkukumpuni ng kahabaan ng J.P. Rizal Avenue sa Poblacion, Ibaan, Batangas. Ang nasabing proyekto ay bunga ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng Ibaan Municipal Engineering Office at Pamahalaang Lokal ng Ibaan upang mapanatili ang maayos na kondisyon ng mga pangunahing kalsada sa bayan. Ito ay upang mapabuti ang daloy ng trapiko at mabawasan ang panganib sa mga dumaraan, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng ligtas at maayos na imprastraktura para sa mamamayan ng Ibaan.

𝘿𝙚𝙘𝙡𝙤𝙜𝙜𝙞𝙣𝙜 𝙊𝙥𝙚𝙧𝙖𝙩𝙞𝙤𝙣𝙨, 𝙄𝙨𝙞𝙣𝙖𝙜𝙖𝙬𝙖 𝙐𝙥𝙖𝙣𝙜 𝙈𝙖𝙥𝙖𝙗𝙪𝙩𝙞 𝙖𝙣𝙜 𝘿𝙧𝙖𝙞𝙣𝙖𝙜𝙚 𝙎𝙮𝙨𝙩𝙚𝙢 𝙨𝙖 𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣

Patuloy ang declogging operation na isinasagawa sa kahabaan ng Batangas–Quezon Road mula Barangay Coliat hanggang Barangay Sabang, Ibaan, Batangas upang alisin ang mga bara sa daluyan ng tubig at mapabuti ang daloy ng drainage system at makatulong sa pag-iwas sa posibleng pagbaha sa mga apektadong lugar. Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na programa ng lokal na pamahalaan para sa mas ligtas, malinis, at handang komunidad sa buong Bayan ng Ibaan.

𝙂𝙪𝙡𝙖𝙮𝙖𝙣 𝙨𝙖 𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣 𝘾𝙝𝙖𝙡𝙡𝙚𝙣𝙜𝙚, 𝙋𝙖𝙩𝙪𝙡𝙤𝙮 𝙣𝙖 𝙎𝙞𝙣𝙪𝙨𝙪𝙧𝙞 𝙋𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙈𝙖𝙨𝙖𝙜𝙖𝙣𝙖𝙣𝙜 𝙆𝙞𝙣𝙖𝙗𝙪𝙠𝙖𝙨𝙖𝙣

Patuloy ang monitoring at validation ng mga kalahok sa Gulayan sa Ibaan Challenge, na naglalayong palakasin ang food security at isulong ang sustainable gardening sa buong bayan ng Ibaan. Sa kabuuan, 96 opisyal na entries mula sa iba’t ibang barangay, paaralan, samahan, at indibidwal ang nakikiisa sa programang nagbibigay-halaga sa sipag, pagkamalikhain, at pagmamahal sa pagtatanim. Patuloy na umiikot ang monitoring team sa iba’t ibang clusters upang masuri ang mga kalahok, habang ang judging ng mga finalists sa bawat kategorya ay nakatakdang isagawa sa buwan ng Agosto . Samantala, ang Awarding of Winners ay gaganapin sa unang linggo ng Setyembre . Nagpaabot ng pasasalamat ang Pamahalaang Bayan ng Ibaan sa lahat ng kalahok sa kanilang dedikasyon at pagsisikap na gawing mas luntian at masagana ang komunidad.

𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣 𝙔𝙖𝙠𝙖𝙥 𝘾𝙖𝙧𝙖𝙫𝙖𝙣, 𝙋𝙞𝙣𝙖𝙡𝙖𝙡𝙖𝙥𝙞𝙩 𝙖𝙣𝙜 𝙎𝙚𝙧𝙗𝙞𝙨𝙮𝙤𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙣𝙜𝙠𝙖𝙡𝙪𝙨𝙪𝙜𝙖𝙣 𝙨𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝘽𝙖𝙧𝙖𝙣𝙜𝙖𝙮

Patuloy na inilalapit ng Pamahalaang Bayan ng Ibaan ang serbisyong pangkalusugan sa mamamayan sa pamamagitan ng Ibaan Yakap Caravan, sa pangunguna ng Municipal Health Office katuwang ang Ibaan Sangguniang Kabataan Federation. Nagsimula noong Hunyo 2, labingdalawang (12) Barangay na sa Ibaan ang napuntahan ng caravan tulad ng Barangay Calamias, Catandala, Coliat, Lucsuhin, Mabalor, Malainin, Palindan, Pangao, Panghayaan, Poblacion, Sabang at Talaibon. Layunin nitong magbigay ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan tulad ng health assessment, PhilHealth registration at updating, at PhilHealth YAKAP enrollment, upang mas mapalakas ang access ng mga Ibaeño sa serbisyong medikal at benepisyong pangkalusugan. Patuloy na isasagawa ang caravan sa iba pang barangay sa bayan. Hinihikayat ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang Sangguniang Barangay para sa iskedyul sa kanilang lugar.

𝙈𝙖𝙮𝙤𝙧 𝙅𝙖𝙣𝙚 𝘾𝙖𝙨𝙖𝙨, 𝘼𝙠𝙩𝙞𝙗𝙤𝙣𝙜 𝙉𝙖𝙠𝙞𝙥𝙖𝙜𝙥𝙪𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙨𝙖 𝙄𝙗𝙖’𝙩 𝙄𝙗𝙖𝙣𝙜 𝙎𝙚𝙠𝙩𝙤𝙧 𝙖𝙩 𝙢𝙜𝙖 𝙄𝙣𝙙𝙞𝙗𝙞𝙙𝙬𝙖𝙡 𝙥𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙋𝙧𝙤𝙜𝙧𝙚𝙨𝙞𝙗𝙤𝙣𝙜 𝘽𝙖𝙜𝙤𝙣𝙜 𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣

Malugod na tinanggap ni Mayor Jane Casas ang mga indibidwal, organisasyon, at samahan para sa serye ng mahalagang pagpupulong na naglalayong isulong ang mas mahusay na kinabukasan para sa bawat Ibaeño. Ang mga nasabing pagpupulong ay upang bahagi ng hakbang ng pamahalaang lokal para sa inklusibong pag-unlad ng bayan.

𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣 𝙈𝘿𝙍𝙍𝙈𝘾, 𝙉𝙖𝙜𝙥𝙪𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙐𝙠𝙤𝙡 𝙨𝙖 𝘽𝙖𝙣𝙩𝙖 𝙣𝙜 𝘽𝙖𝙜𝙮𝙤𝙣𝙜 𝙄𝙣𝙙𝙖𝙮 𝙖𝙩 𝙋𝙖𝙜-𝙄𝙜𝙩𝙞𝙣𝙜 𝙣𝙜 𝙃𝙖𝙗𝙖𝙜𝙖𝙩

Bagaman hindi direktang tatama, patuloy ang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Inday at pag-igting ng Habagat ang isinagawa ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Ibaan sa isang Emergency MDRRMC Meeting at Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA), Hulyo 7. Layunin ng pagpupulong na masuri ang posibleng panganib, mapalakas ang kahandaan, at maisaayos ang mga hakbang sa pagtugon ng bayan sakaling magkaroon ng epekto ang bagyo. Kabilang sa mga tinalakay ang lagay ng panahon, pagtukoy sa mga high-risk na lugar, activation ng Emergency Preparedness and Response Protocols, paghahanda ng evacuation centers, suplay ng pagkain at gamot, rescue equipment, at koordinasyon ng mga ahensya. Pinangunahan ng MDRRMC ang pagpapalakas ng ugnayan ng bawat tanggapan at barangay upang matiyak ang maagap at organisadong pagtugon para sa kaligtasan ng mga mamamayan. Sa patuloy na pagbabantay at paghahanda, nananatiling nakahanda ang Pamahalaang Bayan ng Ibaan para sa anumang hamon na dulot ng kalamidad.

𝙆𝙖𝙡𝙪𝙨𝙪𝙜𝙖𝙣 𝙖𝙩 𝙆𝙖𝙢𝙖𝙡𝙖𝙮𝙖𝙣 𝙨𝙖 𝙃𝙄𝙑 𝙖𝙩 𝙎𝙏𝙄, 𝙋𝙞𝙣𝙖𝙡𝙖𝙬𝙖𝙠 𝙨𝙖 𝙄𝙗𝙖𝙖𝙣 𝘽𝙞𝙡𝙖𝙣𝙜 𝘽𝙖𝙝𝙖𝙜𝙞 𝙣𝙜 𝙋𝙧𝙞𝙙𝙚 𝙈𝙤𝙣𝙩𝙝

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng PRIDE Month, nagsagawa ang pamahalaang lokal ng HIV 101 and STI 101 Awareness, Education and Prevention Program na layuning palawakin ang kaalaman ng kabataan at komunidad tungkol sa HIV/AIDS, sexually transmitted infections, at LGBTQ+ rights. Tampok sa programa ang mga talakayan nina G. Rhalf Anthony C. Tenorio, RN, MAN (STD/STI 101), G. John Aries Almodjel (HIV 101),bat Mx. Kirk Sison (LGBTQ+ Rights) na nagbigay ng mahalagang impormasyon para sa kalusugan, proteksyon, at inklusibong pag-unawa sa lipunan. Kasunod nito ay isinagawa ang libreng HIV testing bilang bahagi ng adbokasiya para sa maagang pag-detect at pag-iwas sa sakit. Pinangunahan ang aktibidad ng Ibaan Sangguniang Kabataan Federation, Municipal Social Welfare and Development Office, Municipal Health Office, Local Youth Development Office, Xaraya, Wagayway Equality, at LGBTQIA+ Ibaan Chapter. Namahagi rin ng 10 kilo ng bigas sa mga miyembro ng LGBTQIA+ na dumalo bilang dagdag suporta. Ang programa ay patunay ng patuloy na pagtutulungan para sa mas ligtas, mas mulat, at mas inklusibong komunidad sa Ibaan.

𝘾𝙤𝙣𝙜𝙧𝙖𝙩𝙪𝙡𝙖𝙩𝙞𝙤𝙣𝙨! 🎉 𝗣𝗠𝗮𝗷. 𝗝𝗼𝗵𝗻 𝗟𝗲𝗼 𝗣. 𝗖𝘂𝗮𝘀𝗮𝘆 𝗮𝘁 𝗜𝗯𝗮𝗮𝗻 𝗠𝘂𝗻𝗶𝗰𝗶𝗽𝗮𝗹 𝗣𝗼𝗹𝗶𝗰𝗲 𝗦𝘁𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻

𝗣𝗠𝗮𝗷. 𝗝𝗼𝗵𝗻 𝗟𝗲𝗼 𝗣. 𝗖𝘂𝗮𝘀𝗮𝘆 𝗮𝘁 𝗜𝗯𝗮𝗮𝗻 𝗠𝘂𝗻𝗶𝗰𝗶𝗽𝗮𝗹 𝗣𝗼𝗹𝗶𝗰𝗲 𝗦𝘁𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 Overall Rank No. 1 Operational Accomplishment (Class B Police Station Category) Pagbati mula sa pamahalaang lokal para sa Ibaan Municipal Police Station sa pangunguna ni PMaj. John Leo P. Cuasay sa pagkakamit ng Overall Rank. No. 1 sa Operational Accomplishment (Class B Police Station Category) para sa buwan ng Hulyo. Ang parangal na ito ay patunay ng inyong natatanging husay, sipag, at tapat na paggabay sa kaligtasan at kaayusan ng ating bayan.

𝙋𝙖𝙜𝙥𝙪𝙥𝙪𝙜𝙖𝙮 𝙨𝙖 𝘽𝙖𝙣𝙙𝙞𝙡𝙖, 𝘽𝙖𝙮𝙖𝙣 𝙖𝙩 𝙈𝙖𝙢𝙖𝙢𝙖𝙮𝙖𝙣 𝙨𝙖 𝙐𝙣𝙖𝙣𝙜 𝙇𝙪𝙣𝙚𝙨 𝙣𝙜 𝙃𝙪𝙡𝙮𝙤, 𝙏𝙖𝙢𝙥𝙤𝙠 𝙖𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙜𝙠𝙖𝙠𝙖𝙞𝙨𝙖 𝙖𝙩 𝙆𝙖𝙧𝙖𝙣𝙜𝙖𝙡𝙖𝙣

Isang makabuluhang Pagpupugay sa Bandila, Bayan at Mamamayan: Flag Ceremony na pinangunahan ng Liga ng mga Barangay ang isinagawa na naging tagpuan ng pagkakaisa, pagkilala, at bagong simula para sa mga lider ng komunidad sa Ibaan, Hulyo 6. Tampok sa programa ang pagpapakilala sa kinatawan ng Bayan ng Ibaan sa Miss World Philippines–Batangas na si Ms. Renee Coleen Sta Teresa ng mula sa Brgy. Lapu-Lapu. Kasabay nito ang Oath Taking ng mga Newly Elected Officers ng LGBTQIA+ Ibaan Chapter, bilang simbolo ng mas pinatatag na representasyon at partisipasyon sa komunidad. Tampok din ang pagbati sa Ibaan Municipal Police Station at PMaj John Leo P. Cuasay na nanguna sa Operational Accomplishment (Class B Police Station Category) na pinangunahan ni Mayor Jane Casas, VM Joy Salvame at Sangguniang Bayan. Ang pagtitipon ay nagsilbing patunay ng nagkakaisang layunin para sa mas maayos, inklusibo, at progresibong pamahalaan sa Ibaan.